By Dino Balabo
“Nasa alaala ko
pa po ang kuwento ng mga Pilipinong alimango. Siguro po narinig na ito ng ilan
sa inyo: sa loob daw po ng isang bar, umiinom ang isang Amerikano.
Pumasok ang isang mangingisdang Pilipino na may dalang timba
na puno ng alimango. Ibinaba niya ito; ang sabi ng Amerikano: “Buddy, your
crabs are about to escape.” Ang sagot naman ng Pilipino:
“Don’t bother; they’re Filipino crabs. Before they get out
they’ll be pulled in.” Walang makakaangat, kasi lahat sila naghahatakan pababa.
Habang pinipilit ng ilang kababayan nating makaahon, siya namang sipag ng ilan
na hilain siya pababa.”
Ito ang pambungad na pananalita ni Pangulong Benigno “PNoy”
Aquino III sa talumpating binigas sa pagbubukas ng dalawang araw na Philippine
Press Institute National Press Forum (PPI-NPF) na isinasagawasa Traders Hotel
Manila noong Abril 23 at 24.
Hindi ko alam kung saang kagubatang kongreto isinilang at
lumaki ang speech writer ni PNoy.
Ako po ay isinilang sa bukirin ng Hagonoy, at limang taon pa
lamang ay naghuhuli na ng talangka sa bukid kung buwan ng Hunyo hanggang
Setyembre noong Dekada 70.
Sa kaalaman ng marami, may tatlong paraan kaming ginagamit
noon maramihang paghuli ng talangka.
Una ay sa
pamamagitan ng bintol. Ito yung pinag-ekis na maikling kawayan na may
lambat sa ilalim at may paing isda. Inilulubog ito sa tubig sa bukid,
palaisdaan o sapa. Pagkaraan ng ilang minuto ay pinapandaw at ang mga talangka
ay isinasalin sa timba.
Ikalawa ay sa
pamamagitan ng lambat o bukatot na nakauman sa ilog, sapa o kaya ay sa prinsa
ng bukid o palaisdaan.
Ikatlo ay sa
pamamagitan ng “tabong bikbik” o bao ng niyog na may pain na basang darak. Inilulubog
ito sa tubig ng bukid o palaisdaan.
Marami ang tabong
bikbik, nakahilera ito ng may dalawa hanggang tatlong metro ang bawat isa. Dahil
nakalubog sa tubig, kailangang tarawan ito ng pinutol na tambo o kinayas na
kawayan upang matukoy kung saan nakalubog.
Okey, suriin muna natin ang pambungad na saknong ng
talumpating binigkas ni PNoy. Malamang hindi siya ang sumulat nito, tiyak na
speech writer lang.
Pero may problema po ang speech writer ni PNoy dahil hindi
magkakaungay ang binanggit na impormasyon.
Una, binanggit sa
talumpati ni Pnoy ay ang kuwento ng “Pilipinong alimango” na nag-aakyatan sa
labi ng timba.
Tapos ay ininglis at ang sabi ay “they’re Filipino crabs.” Tama po ang translation di ba? Alimango,
tapos “crabs.”
Pero kung
susuriin natin ang kuwento, makikita natin ang mali. Ang alimango ay ang
malalaki at bruskong pinsan ng mga talangka, di po ba?
Eto ang mali sa
kuwento. Sumasampa daw palabas ng timba yun alimango. Posible, pero sa mahabang
panahon, ang mga alimango ay hindi dinadala sa bar o ibinebenta ng hindi
nakatali.
Kaya nga po sa
Hagonoy, may kasabihan na ang pinakamalas na lamang-dagat sa buong mundo ay ang
alimango. Minsan lang daw makarating sa palengke ay nakagapos pa.
Eh bakit po hindi
igagapos ang alimango, sa laki ng mga sipit noon, pag nasipit ang anumang
nakalawit sa iyo ay kayang putulin.
So, lumalabas po
na iba yung alimango at crabs na binanggit ni Pnoy sa kanyang talumpati.
Malaki ang
posibilidad na yung timba sa alimango na dinala sa bar na nakita ng Amerikano
ay di alimango, sa halip ay mga talangka lamang.
Imposible po
talagang na alimango yung nasa timba. Kasi nga, ang mga alimango ay iginagapos
at tinatangkas pagnahuli ng mangingisda.
Isipin na lang
ninyo, paano makakaakyat sa labi ng timba yung nakagapos at naka-tangkas na
alimango?
Ito po ang
problema sa ilang speech writer, hindi sinusuri ang kwentong sinusulat. Tapos
pinalabas pa ni Pnoy na bata pa siya ng marinoig ang kuwentong iyan.
Lumalabas po na
ang nasabing kuwento ay gawa-gawa lamang upang iakma sa pananaw na “crab
mentality.”
Hindi rin natin masasabing absuwelto si Pnoy sa maling
speech na ipinabasa sa kanya ng kanyang speech writer.
Hindi muna niya inunawa yung kuwento. Iyan ang hirap kapag
ang nagsasalita at nagkukuwento ay sa tubuhan at hindi sa bukid lumaki.
Kaya po sa
susunod, kung sinuman sa atin ang magkukuwento o gagamit na halimbawa sa crab
mentality ng mga Pilipino pag-isipan muna po natin.
Mukha pong
pananaw ng mayaman ang ipinaglalaban sa kuwento ng crab mentality at hindi ang
pag-uugalit sikolohiya ng samabayang Pilipino.
Nakalulungkot, sa
mahabang panahon ay tinanggap natin ang pananaw na ito upang pigilan tayo sa
“pagbatikos” o pagtawag pansin sa mga namumuno.
Panahon napo upang malaman natin ang dalawang perspektino sa
pananaw na “crab mentality. Abangan po ninyo iyan sa susunod na edisyon.
No comments:
Post a Comment