(Pooled editorial na inihanda ng National Union of
Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter kaugnay ng pagdiriwang sa
Pangdaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag ngayong Mayo 4, 2012 sa Bulacan
State University, Lungsod ng Malolos, Bulacan.)
Sa kaliwa o sa
kanan, harap at likod, maging mula sa
itaas at ibaba. Sa lahat ng direksyong
iyan nagmumula ang mga banta sa mga mamamahayag sa bansa.
Ibat-iba ang
mukha nito. May naka-bonet at hawak na baril, may nakangiti ngunit
unti-unting nanggigipit sa trabaho’t kabuhayan.
May nakasimangot din na nagbabadya ng pagsasampa ng kasong libelo na
nananatili pa rin sa kategoryang kriminal.
Karaniwan sa mga nasa likod ng mga mukhang ito ay mga taong
balat sibuyas, mga diyos-diyosang may madilim na kasalukuyan at nakaraan na
ninanais ilihim sa mata ng madla.
Ang iba naman ay nakakatulad ni Hudas Iskariote na sa ilang
piraso ng pilak ay handang maging kasangkapan ng karahasan, o kaya’y ipagkanulo
ang mabunying simulain at pangaraap na nagtulak kay Gat Marcelo H. Del Pilar
upang maging isa sa mga nagsakripisyong susi ng ating kalayaan.
Sa kabila ng mga kalagayang ito, hindi pa rin maampat ang
paghahangad ng di mabilang na kabataan ngayon na maging isang bantog na
mamamahayag sa darating na panahon kung saan ay inaasahang higit na lalawak ang
larangan bunsod ng umuunlad na teknolohiya.
Ito ay isang malinaw na kabalintunaan: Hindi masawata ang
pagbabanta sa malayang pamamahayag, at isa-isang nabubuwal sa karahasan sa mga
mamamahayag dahil sa pagtatangka nila tanglawan ng liwanag ng katotohanan ang
madilim na lihim ng ilang diyos-diyosan, samantalang ang iba ay binubusalan sa
pamamagitan ng pagsasampa ng kasong libelo; ngunit patuloy ang pagdagsa ng mga
kabataang nangangahas maging isang mamamahayag.
Bukod dito, patuloy ang paglawak ng larangan ng pamamahayag,
ngunit unti-unti ring nababawasan ang tiwala ng mamamayan sa kakayahan at
kredibilidad ng mga mamamahayag ngayon maliban sa ilang maningning na
halimbawa.
Kung lilingunin natin ang kinabukasan, nakakapangamba ito.
Lalo na kung tayo ay hindi kikilos at magkakaisa ngayon upang itaguyod ang
responsable at malayang pamamahayag, patas at balanse, tapat sa katotohanan,
may pananagutan sa mamamayan at higit sa lahat, may takot Diyos.
Tandaan natin. Ang
bukas ay bunga lamang ng ating sama-samang pagkilos at paninindigan ngayon.
Sa ating paggunita ngayon sa pandaidigang araw ng malayang
pamamahayag, isaisip din natin na tayo ay pananagutan hindi lamang sa susunod
na salinlahi ng mamamahayag, kungdi maging sa susunod na lahi ng sambayanang
Bulakenyo at Pilipino na tagapagmana rin ng dakilang simulain at pangarap ni
Gat Marcelo H. Del Pilar para sa isang malaya, nagkakaisa, naninindigan at
maunlad na bansa.
No comments:
Post a Comment