Friday, May 4, 2012

Panata ng Bulakenyong mamamahayag




Ako ay Bulakenyo, tagapagmana ng mabunying simulain at pangarap ni Gat Marcelo H. Del Pilar

Ako ay mamamahayag at guro ng lipunan, tagapaghasik ng liwanag sa pamamagitan ng paghahatid ng kaalamang nagbibigay ng dagdag na kakayahan sa mamamayan.

Ako ay naninindigan na ang karapatang mabuhay, karapatang magpahayag,
at karapatan sa malayang pamamahayag ay pawang mga batayang karapatan na
ginagarantiyahan ng Saligang Batas ng Pilipinas, at itinataguyod ng mga pangdaigdigang kasunduan at resolusyon.

Na ang pamamaslang sa mga mamamahayag partikular na ang mga biktima sa Maguindanao masaker ay tahasang pagyurak sa mga karapatang ito.

Na ang walang habas na pamamaslang at kawalan ng napaparusahan sa mga kasong katulad ay kaakibat ng usapin ng warlordism, private armies, korapsyon, kawalan ng transparency sa pamamahala at iba pang suliranin.

Na ang katarungan makakamit lamang kung mga mamamahayag at mamamayan ay mahigpit na magkakaisa, maninindigan at magbabantay laban sa mga usaping ito.

Ako ay nangangako ay gagawin lahat ng makakaya para makamit ang katarungan, hindi lamang para sa mga biktima sa Maguindanao masaker, kungdi sa lahat ng biktima ng pamamaslang,

Isusulong ang malayang pamamahayag na nagtataguyod ng interes ng mamamayan, mamamahayag na lumalaban at nagtatanggol sa karapatang mabuhay, at kalayaan sa mamamahayag, at tutulan ng buong lakas ang anumang tangka na supilin ang mga karapatang ito alang-alang sa mga naging biktima at sa mga susunod na salinlahi..

Ako ay Bulakenyong mamamahayag, karangalan ko na mapabilang sa mga inapo sa simulain at pangarap  ni Gat Marcelo H. Del Pilar.

Ako ay naninindigan para sa malaya at responsableng pamamahayag, patas at balanse, tapat sa katotohanan, may pananagutan sa mamamayan at higit sa lahat, may takot Diyos.

No comments:

Post a Comment