Thursday, March 22, 2012

Wednesday, March 7, 2012

Publisher ng Inquirer pumanaw, PPI nakidalamhati




MALOLOS—Ipinagdalamhati ng Philippine Press Institute (PPI) ang pagpanaw ni Isagani Yambot, ang publisher ng Philippine Daily Inquirer (PDI) noong Huwebes ng gabi, Marso 2.

Si Yambot ay pumanaw matapos atakehin sa puso ilang araw makaraang sumailalim sa quadruple heart by-pass.  Siya ay 79.

Ayon kay Ariel Sebellino, ang executive director ng PPI, ang pagpanaw ni Yambot ay kawalan para sa industriya ng pamamahayag.

Nagpalabas din ng opisyal na pahayag ang PPI na nagsasaad ng, “The Philippine Press Institute is deeply saddened by the passing of Isagani Yambot, a true journalist and gentlemen. He will be greatly missed by the profession.”

Bilang isang beteranong mamamhayag, si Yambot ay nasilbing punong patnugot ng PDI hanggang sa italaga bilang publisher.

Dalawang beses na nagsilbi bilang president at chairman of the board ng PPI si Yambot.

Sa panahon ng kanyang pagpanaw, si Yambot ay nagsisilbi bilang trustee ng PPI para sa National Capital Region.

Si Yambot ay pumanaw 11 buwan matapos pumanaw ang publisher at editor in chief ng Mabuhay na si Jose L. Pavia na nagsilbi ring executive director ng PPI.

Ang Mabuhay ay isa sa may 60 pahayagan sa bansa na kasapi ng PPI.

Bilang pambansang samahan ng mga pahayagan, ang PPI ay nakatakdang magsagawa ng National Press Forum sa darating na Abril 23.

Reporter ng Mabuhay, 2 pa, pinarangalan ng BulSU




MALOLOS—Tatlong mamamahayag sa Bulacan kabilang ang mamamahayag ng Mabuhay ang pinarangalan ng Bulacan State University (BulSU) dahil sa kanilang kontribusyon sa journalism education.

Sila ay sina Romulo Maturingan ng GMA News Network, Carmela Reyes-Estrope ng  Philippine Daily Inquirer, at si Dino Balabo ng pahayagang ito.

Ang tatlong mamamahayag ay pawang part-time instructor sa BulSU College of Arts and Letters. (CAL).

Sila ay tumanggap ng parangal kaugnay pagtatapos ng pagdiwang ng CAL Week noong Pebrero 17.

Ayon kay  Florentino Pineda Jr., tagapangulo ng BulSU-CAL Department of Mass Communications and Performing Arts, ang tatlong mamamahayag ay pinarangalan dahil sa kanilang karanasan, kakayahan, at sakripisyo sa pagpapaunlad ng kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral ng pamamahayag.

“They all served as an inspiration to our students and help enhance their potentials,” ani Pineda.

Batay sa tala, si Maturingan ay nagsimulang magturo sa BulSU –CAL noong nakaraang kung saan ang mga tinuruan niya ay mga broadcasting majors.

Siya ay naging mamamahayag sa ibat-ibang pahayagan, bago naging isa sa mga desk editor sa GMA Network.

Sina Reyes-Estrope at Balabo naman ay nagsimulang magturo sa BulSU-Cal noong 2010. 

Si Reyes-Estrope ay correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Bulacan ay punong patnugot ng NewsCore, isang pahayagang lokal.

Siya ay dalawang beses na tumanggap ng parangal na Gawad Plaridel mula sa pamahalaang panglalawigang ng Bulacan.

Bukod naman sa Mabuhay, ang mamamahayag na ito ay correspondent din ng Philippine Star, Pilipino Star Ngayon, Central Luzon Businessweek, at Punto Central Luzon.

Ang mamamahayag na ito ay isa ring brodkaster ng Radyo Bulacan kung saan isinasahimpapawid ang kanyang palatuntunang “Puntong Bulacan, tuwing umaga, mula alas-7 hanggang alas-8, Lunes hanggang Sabado.

Sa mga nagdaang taon, tumanggap din ang mamamahayag na ito ng mga pagkilala bilang Civic Journalism Fellow ng Phlippine Press Institute (PPI), Jaime V. Ongpin Journalism Fellow ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), at Kuwento Katutubo Fellow ng Probe Media Foundation Inc.