Tuesday, September 18, 2012

Ka Nene, beteranang mamamahayag, 59


By Dino Balabo


GUIGUINTO, Bulacan—Ipinagdalamhati ng kapamilya, mga kaibigan at mamamahayag sa Bulacan ang biglaang pagpanaw ni Maria “Nene” Bundoc-Ocampo. Siya ay 59.

Ayon sa pamilya ng mamamahayag, si Bundoc-Ocampo na mas kilala sa tawag na “Ka Nene” ay pumanaw bandang alas-8 ng gabi ng Lunes sa Quezon City General Hospital (QCGH) matapos atakihin sa puso.

Ayon pa sa impormasyong inilabas ng mga kapamilya at kaibigan, nagsimulang makaramdam ng di maganda si Ka Nene noong Biyernes at isinugod sa Bulacan Medical Center (BMC) noong Linggo, Setyembre16.

Inilabas siya ng BMC noong Lunes ng madaling araw, ngunit muling isinugod sa La Consolacion Hospital sa bayan ng Plaridel kinaumagahan hanggang sa ilipat sa QCGH kung saan siya binawian ng buhay.

Naulila ni Ka Nene ang kanyang kabiyak na si Roberto, at mga anak na sina Roberto Jr., Nico Diwa, Ana Hiyas, at Buhay Isaias at pitong apo.

Ang kanyang labi ay kasalukuyang nakaburol sa kanilang tahanan sa Mabiyaya Street, Masagana Subdivision, Barangay Sta. Rita sa bayang ito. Wala pang itinakdang araw ng libing.

Ang pagpanaw ni Ka Nene ay ikinalungkot ng mga kapwa mamamahayag matapos itong mabalitaan sa pamamagitan ng text message at facebook.com.

Karaniwan sa mga mensaheng ipinost patungkol sa pagpanaw ni Ka Nene ay “Condolence po,” “lubos po kaming nakikiramay,” “malaki siyang kawalan,” “nami-miss ko na agad siya.”

Ito ay nagmula sa mga kaibigan, kapwa mamamahayag at mga kasapi ng ibat-ibang sangay ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Philippine Press Institute (PPI), at maging sa Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) kung saan ay naging aktibong opisyal at kasapi si Ka Nene.

Bilang isang mamamahayag, si Ka Nene ay nagsimula sa Philippine News Agency (PNA) bilang Pilipino Editor sa ilalim ng pamamatnubay ng yumaong si Jose L. Pavia, ang dating general manager ng ahensiya.

Si Ka Nene ay isa rin sa orihinal na mamamahayag na nagsimula at nagtatag ng pahayagang Mabuhay na inilathala ni Pavia sa Bulacan noong 1980.

Nagsilbi rin siyang desk editor ng Pilipino Star Ngayon noong huling bahagi ng dekada 80, kung kailan ay sinimulan niyang ilathala ang pahayagang Punla, isa sa dalawang lokal na pahayagan sa Bulacan na kasapi ng PPI.

Bilang isa sa mga unang babaeng mamamahayag sa Bulacan, si Ka Nene ay ilang beses din nakaranas ng pananakot; at bilang tagapalathala ng pahayagang Punla, nagpakita siya ng matatag na paninindigan sa katotohanan.

Sa mahabang panahon ng kanyang pamamahayag, si Ka Nene ay tumanggap ng ibat-ibang parangal, kabilang ang Gawad Plaridel na tatlong beses niyang tinanggap mula sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.

Nagsilbi rin siyang guro sa Bulacan State University (BulSU), at tagapagasanay sa ibat-ibang training workshop na inorganisa ng pahayagang Punla at ng NUJP.

Si Ka Nene ay ang ikatlong mamamahayag sa Bulacan na binawian ng buhay sanhi ng sakit sa taong ito.

Ang una ay si Bienvenido Ramos, ang dating punong patnugot ng Liwayway Magazine, at Mariz Jaucian ng pahayagang Bagong Tiktik.

Si Ramos ay pumanaw noong Abril, at si Jaucian ay nitong unang linggo ng Setyembre.